Nadine Lustre decides to personally manage her showbiz career after leaving Viva, says her lawyer Lorna Kapunan. |
Noong December 12, 2019, unang naiulat sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na wala na sa bakuran ng Viva si Nadine, base sa impormasyon mula sa isang showbiz insider.
Ngayong Lunes, January 27, 2020, ang legal counsel ni Nadine na si Atty. Lorna Kapunan ang naglabas ng press statement tungkol sa desisyon ng aktres na umalis sa Viva kahit hindi pa tapos ang kontrata nito.
Kabuuang pahayag ng abogada na nailathala sa ulat ng ABS-CBN News:
"For the information of the public, Nadine Lustre is no longer a talent of Viva Artists Agency.
"Consistent with her rights under the Civil Code of The Philippines, specifically Article 1920, she has decided to terminate her agency contract with Viva.
"As of now, Nadine is self-managed and will continue to be so indefinitely.
"She shall directly manage her affairs from now on, and bookings and inquiries may be directly addressed to her."
Nakapaloob sa Article 1920, Chapter 4, Modes of Extinguishment of Agency na karapatan ng isang talent na umalis sa isang agency kung kailan nito gusto.
Sabi rito: "The principal may revove the agency at will, and compel the agency to return the document evidencing the agency. Such revocation may be express or implied."
Si Nadine ay exclusive artist ng Viva mula nang ilunsad siya bilang bahagi ng all-female girl group na Pop Girls noong 2009.
JADINE LOVE TEAM
Si Nadine ay unang sumikat sa tambalan nila ni James Reid na JaDine.
Sabay silang nabigyan ng big break sa showbiz nang magkatambal sila sa pelikulang Diary Ng Panget, sa produksiyon ng Viva Films, noong 2014.
Pinagbidahan din nila ang mga pelikulang Talk Back and You're Dead (2014) at Para Sa Hopeless Romantic (2015).
Hanggang sa sumikat sila nang husto sa ABS-CBN prime-time series na On The Wings of Love (2015).
Huling pinagbidahang teleserye nina James at Nadine ang Till I Met You (2016).
SIGN OF GOING INDEPENDENT?
Noong December 10, 2019, pumirma si Nadine ng kontrata sa Careless Music, ang independent record label na itinatag at pinamumunuan ng ngayo'y ex-boyfriend niyang si James.
Sinasabing ito ang unang senyales ng desisyon ni Nadine na kumalas sa Viva.
Ito ay sa kabila ng pa-safe na sagot ng aktres nang tanungin ng PEP.ph kung may plano rin ba siyang umalis ng Viva tulad ni James.
Sagot noon ni Nadine, sampung taon na siya sa Viva at "okay naman" ang relasyon niya sa talent management company.
Sa kasalukuyan, napapanood si Nadine sa ABS-CBN weekly talent search na Your Moment.
Si James ay opisyal na kumalas sa Viva noong October 4, 2019.
Nakatakdang makatambal ni James si Nancy McDonie ng Korean girl group na Momoland, sa ABS-CBN series na The Soulmate Project, ngayong 2020.